Home About AFMA IRR Ouputs Site Links Contact Us
 

AFMA Primer

Click here for English Version

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA AFMA

Batay sa ulat at rekomendasyon ng Congressional Commission on Agricultural Modernization, ang makabagong agrikultura ay nangangahulugan ng masigla, masagana at kompetitibong sektor ng pagsasaka at pangisdaan. Ang Republic Act 8435 o mas kilala sa tawag na Agriculture and Fisheries Modernization Act o AFMA, ay naglalayong makamit ang isang modernong pagsasaka sa Pilipinas upang ito ay makasabay sa pandaigdigang pamilihan.

Para lubos na maunawaan ang AFMA, alamin ang mga tampok nito. Layunin nitong primer na maipaalam sa simpleng salita ang ukol sa batas na ito.

T: Ano ang AFMA?
S: Ang Republic Act 8435 na kilala rin sa tawag na AFMA o Agriculture and Fisheries Modernization Act ay batas na nagpapahayag na gawing makabago ang sector ng pagsasaka at pangisdaan ng bansa upang maging kompetitibo sa pamilihan. Nagkabisa ang batas na ito noong Pebrero 9, 1998.

T: Bakit kailangan pa ang AFMA?
S: Kailangan ang makabago o maisa-moderno ang agrikultura sa Pilipinas upang mapabuti ang pamumuhay ng karamihan ng mga magsasaka at mangingisda, mapataas ang kanilang ani sa gitna ng lumalaking pangangailangan sa mga pamilihan, local man o sa ibang bansa. Sa ganitong paraan lamang makakamit ang mabuting kita ng mga magsasaka. Upang makamit niya ito, kailangang baguhin nya ang kanyang pananaw ukol sa moderno o makabagong teknolohiya at tingnan ito bilang paraan upang mapataas ang kanyang ani. Sa modernong pagsasaka mapagpipilian kung aling teknolohiya ang gagamitin at kung anong produkto ang kailangan at kanino ipagbibili upang makamit ang pinakamataas na kita.

T: Ano ang inaasahan sa batas na ito?

S: Sa pamamagitan ng AFMA, inaasahan na mapabuti ang pamumuhay hindi lamang ng mga magsasaka at magingisda kungdi ng bawat Pilipino. Ang tiyak na ninanais makamit sa AFMA ay ang mga sumusunod:

  • Gawin ang sektor ng agrikultura at pangisdaan na mas makabago, nangunguna at kompetitibo;

  • Tiyakin na ang mga maliliit na magsasaka at mangingisda ay may pantay na karapatan sa mga yamang punagkukunan ng kabuhayan at mga serbisyo na makatutulong sa kanila upang tumaas ang kanilang mga ani at kita;

  • Siguruhin na may sapat na pagkain para sa lahat;

  • Hikayatin ang mga magsasaka at mangingisda na magkaisa upang magkaroon sila ng mas malakas na tinig at maging mas matatag;

  • Patibayin ang samahan ng mga magsasaka, kooperatiba at mga non-government organizations sa pamamagitan ng kanilang partisipasyon at tulong sa pagsagawa ng desisyon;

  • Pagsikapang magkaroon ng matibay na pamaraan sa pagsapamilihan upang lalong maging kompetitibo ang mga produkto sa merkado;

  • Lalong pag-ibayuhin ang pagproseso ng mga produktong sakahan at gawin itong mas mabenta;

  • Ipatupad ang mga alituntunin na makahimok ng mas maraming mamumuhunan na magtatag ng pangangalakal sa bansa.

T: Anu-ano ang mga alituntunin sa pagpapatupad nitong batas?
S: Ang pagpapatupad nitong batas ay batay sa mga sumusunod na alituntunin:

  • Ang pag-angat ng buhay mula sa kahirapan at pagiging pantay sa lipunan ay nangangahulugan na ang mga mas mahirap na sektor ay may parehong karapatan sa mga pinagkukunan ng kabuhayan, agrikultura at pangsuportang serbisyo.
  • Ang makabuluhang paggamit ng pangkabuhayan ay nangangahulugan na ang pagtuon ng pondo para sa sektor ng agrikultura at pangisdaan ay dapat sa makatuwiran at mabisang paraan.
  • Ang kompetitibong pandaigdigan ay nangangahulugan na ang mga produktong pansakahan ay may kakayahang makisabay sa mga produkto sa lokal at sa pandaigdigang pamilihan.
  • Ang prinsipyo ng patuloy na pag-unlad ay nangangahulugan na anumang programang ukol sa pagsasa-moderno ay kinakailangang isaalang-alang ang kapakanan ng kapaligiran.
  • Ang katatagan ng sambayanan ay nagpapatiyak ng pakikilahok ng lahat ng magsasaka at mangingisda na may bahagi sa paggawa ng alituntunin at desisyon na nakaapekto sa kanila.
  • Gamit din dito ang prinsipyo ng proteksyon laban sa walang kinikilingan na kompetisyon sa pangangalakal. Ito ay nangangahulugan na ang mga magsasaka at mangingisda ay maaaring lumapit sa napagkukunan ng pautang at iba pang mapagkukunan ng kabuhayan upang patatagin ang kanilang sistema sa pamimilihan.

T: Paano mapapabuti ng AFMA ang kalagayan ng buhay ng lahat ng sector?
S: Ang pagpapatupad ng AFMA ay naisasagawa sa tulong ng ibat ibang ahensiya, sa pamumuno ng Kagawaran ng Pagsasaka. Kalahok din ang kinauukulang ahensiya base sa pangangailangan. Halimbawa, ukol sa imprastruktura, nandiyan ang Kagawaran ng Pagawain Lansangang Pambayan.

T: Upang maipatupad ang batas, ano ang kailangang gawin?
S: Ang batas ay bumalangkas ng mga gawain upang suportahan ang produksyon at pagsapamilihang aspeto ng pag-unlad ng sakahan at pangisdaan. Nangunguna dito ang pagtatag ng Strategic Agricultural and Fisheries Development Zones (SAFDZ). Ang pagtukoy ng SAFDZ ay batay sa tinatawag na NPAAAD o network of protected areas for agricultural and agro-industrial development. Mahalaga ang SAFDZ dahil sa prinsipyo ng kahusayan sa pagtalaga ng mga lugar sakahan para sa produksyon at kasiguruhan sa pagkain.

Upang mapanatili ng pamahalaan ang programa sa kasiguruhan ng pagkain, kailangan ang pinagsamang plano na hinati sa tatlong antas. Ang mga planong ito ay nagpapaliwanag ng ibat ibang klase ng lupang sakahan na kailangang pangalagaan laban sa di makatarungang konbersyon ng lupa. Ang mga nabanggit na antas ay ang sumusunod:

  • Network of areas for agricultural and agro-industrial development (NAAAD)
  • Strategic Agricultural and Fisheries Development Zone na nakapaloob sa NAAAD
  • Mga modelong sakahan sa loob ng SAFDZ

T: Ano ang kaugnayan ng NAAAD at SAFDZ?
S: Ang NAAAD ay tumutukoy sa mga lugar na sakop sa ilalim ng NPAAAD at sa isinasaad ng batas. Sakop sa mga lugar na ito ang may patubig at sinasakang lupa, may patubig man o wala; mga lupang kataasan na tinataniman o maaaring taniman ng mga matataas na halagang pananim o high value commercial crops (HVCC) at lahat na pangisdaang lugar na nakasaad sa Fisheries Code ng 1998. Ang pagtukoy ng mga lugar na ito ay batayan para sa maayos na pagpaplano ng pagpapaunlad ng sakahan at pangisdaan.

Sa pamamagitan ng isang maayos na plano ng lupain, may katiyakan na gagamitin ang lupa para sa sakahan para maayos at walang dalang panganib sa kapaligiran. Dahil sa NAAAD at SAFDZ, ang produksyong agrikultural ay doon lamang matatagpuan sa lugar na mapayapa at maayos. Ang batayan ng pagpili ay ang kondisyong agrikultura kasama na rin ang lokasyon at pagkakaroon ng agrarian reform communities. Sa pamamagitan ng NAAAD at SAFDZ matutukoy ang uri ng pananim, paghahayupan at pangisdaan na maaalagaan sa isang lugar na walang dalang pinsala sa kapaligiran.

T: Anu-ano pa ang ibang mga gawain para ipatupad ang AFMA?
S: Maliban sa pagtukoy ng SAFDZ at NAAAD, may iba pa ring planong nakahanda. Ito ay mga gawaing may kinalaman sa pautang, patubig, impormasyon at pagsapamilihan, imprastraktura, pamantayan para sa produkto at kaligtasan ng mga mamimili.

T: Ano ang nilalaman ng AFMP?
S: Nakatuon ang AFMP sa kasiguruhan sa pagkain, pagbawas sa pagdarahop at kapantayan sa lipunan; pagpapabuti ng kita; pagharap sa pandaigdigang pamilihan at kapanatilihan ng maayos na pamumuhay. Magkakaroon ng mabuting ugnayan sa mga stakeholders sa paraang pakikilahok habang inihahanda ang AFMP. Kalakip sa planong ito ang SAFDZ Integrated Development Plan ng mga lalawigan at rehiyon.

Magsisilbi ring Agricultural and Fisheries Sector Development Plan ang AFMP. Kalakip din sa planong ito ang pambayang pamuhunang programa upang maisa-moderno ang sektor ng agrikultura at pangisdaan.

T: Mayroon bang pautang sa ilalim ng AFMA?
S: Oo. Ito ay upang mabawasan ang paghihirap at maitaguyod ang kaunlaran sa kanayunan. Ang Agricultural Credit Policy Council sa pakikipag-ugnayan nito sa National Credit Council ay bubuo ng Agro-Industry Modernization Credit and Financing Program (AMCFP). Ang programa sa pautang ay para sa maliliit na industriyang may kaugnayan sa agrikultura at pangisdaan. Kahit ano pa ang pang-ekonomiyang antas ng isang tao ay puwedeng umutang. Ang programang ito ay bukas at madaling kunin anuman ang antas sa pamumuhay. Pauutangin ang isang nagpoproseso ng mga produktong pangisdaan at agrikultura, mga may pangangailangan sa sakahan, kagamitan at makinarya, negosyong agrikultura at iba pa.

T: Anu-ano ang pang-suportang paglilingkod ang nakapaloob sa AFMA?
S: Isa sa pinakaimportanteng serbisyo ay patubig. Ayon sa batas, ang patubig ay kinakailangang epektibo, abot-kaya, mabisa at angkop sa isang lugar. Kinakailangang hindi rin ito nakasisira sa imbakan ng tubig mula sa bundok o watersheds. Gayundin, anumang nasisira nang sistema ng patubig ay dapat kumpunihin.

Upang matiyak na ang lahat ng pangunahing proyekto sa patubig ay matukoy at mapangasiwaan, ang Department of Agriculture sa pamamagitan ng National Irrigation Administration (NIA), Bureau of Agricultural Research at Bureau of Soils and Water Management ay magsasagawa ng irrigation research and development. Makikipag-ugnayan din ito sa Department of Environment and Natural Resources para mapaayos at mapanatili ang mga watershed.

T: Anu-ano ang mga gawaing natukoy para maisaayos ang sistema ng patubig?
S: Ayon sa AFMA, patuloy ang pagsasagawa ng NIA ng plano, disenyo gayundin ang paggawa, pagkukumpuni at pagpapabuti ng mga irigasyon. Unti-unti rin nilang ipapasa ang pamamahala ng patubig sa mga irrigators' association. Ibig sabihin nito ay kailangang kasama ang pamahalaang lokal at irrigators' association sa anumang proyekto ukol sa patubig. Magkakaroon ng isang programa ang NIA para sa pagsasanay sa mga tao upang matiyak ang maayos na pamamahala ng irrigators' association. Nakasaad din sa batas na ang pamamahala, paggawa ng disenyo at sistema ng communal irrigation system (CIS) ay ibibigay din sa pamahalaang lokal. Ipadadaan din sa pamahalaang lokal ang budget sa pagsasaayos ng CIS sa tulong ng NIA.

T: Maliban sa pamahalaan, sinu-sino pa ang kalahok sa paggawa ng patubig?
S: May planong isama ang pribadong sektor. Hihimukin ang mga samahan ng magsasaka para sa pagsasaayos ng sistema ng patubig. Hihikayatin din ang iba pang banko at financial institution na maglaan ng pondo para sa mga importanteng kagamitan sa irigasyon.

T: Paano susuportahan ng pamahalaan ang mga magsasaka at mangingisda ukol sa impormasyon at pagsapamilihan?
S: Mas magiging kompetitibo ang mga magsasaka't mangingisda kung makakatanggap sila ng mga napapanahong impormasyon at mga tiyak na sagot ukol sa pagmapamilihan. Ang pamahalaan ay magtatatag ng National Marketing Assistance Program. Angkop ang programang ito sa mga mamimili ng mga produkto ng mgasasaka at mangingisda, dito sa atin o sa ibang bansa. Ang NMAP ay bubuuin na may konsultasyon sa iba't ibang samahan na ssuporta sa mga pagsapamilihang gawain ng agrikultura at pangisdaan at mga teknolohiya matapos mag-ani. Ang mga organisasyong ito ay mga grupo ng mamimili, asosasyon ng mga industriya, grupo ng mga magsasaka't mangingisda, mga financial institution, iba pang samahan at non-government organization.

T: Bakit mahalaga ang NMAP?
S: Bago bumuo ng National Marketing Umbrella, mauuna muna ang NMAP. Ang NMU ay pribadong sistema ng pagmapamilihan ng mga kooperatibang agribusiness at samahan na ang layunin ay mabigyan ng pagkakataong maipagbili ng mga maliliit na magsasaka at mangingisda ang kanilang mga produkto. Sa tulong ng NMU, tuloy-tuloy ang ugnayan ng mga magsasaka, mangingisda sa mga mamimili. Isasaayos din ng NMU ang iba pang pangangailangan sa paggawa at pagmapamilihan. Mayroon ding database na gagawin na nakaakibat sa National Information Network.

T: Ano ang National Information Network (NIN)?
S: Ang NIN ay daloy ng impormasyon na umuugnay sa iba't ibang institusyon para sa mabilis na pagkuha ng mga kaalaman ukol sa agrikultura, pangisdaan, pananaliksik at teknolohiya. Ang mga impormasyon tulad ng supply at demand, price at price trends, product standards at directory ng mga kooperatiba, mangangalakal at iba pang institusyon ay kailangang napapanahon at makikita sa internet. Makukuha rin sa NIN ang resulta ng pananaliksik at pagpapaunlad.

T: Dahil tumutukoy ang AFMA sa pagiging makabago at moderno ng agrikultura, kasama ba dito ang pagsasaayos ng mga daungan, fishport at iba pang imprastraktura?
S: Sa ilalim ng AFMA, ang Department of Transportation and Communication kasama ang Philippine Ports Authority at Philippine Fisheries Development Authority, ay tutukuyin ang mga nangungunang fishport, daungan at paliparan. Maglalagay din ng mga pasilidad tulad ng “cold storage facility” upang mapabuti ang pagbebenta ng mga produktong sakahan at pangisdaan.

Ang pamahalaang lokal ay magbabahagi ng di bababa sa 10% sa halaga ng proyekto para sa paggawa ng farm-to-market roads. Magkasama sa gawain ang DA, pamahalaang lokal at Kagawaran ng Pagawaing Lansangang Pambayan. Bukod dito, aasikasuhin din nila ang sistema at supply ng tubig.

T: Mayroon bang mga paraan upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga mamimili sa paggamit ng mga produktong sakahan at pangisdaan?
S: Itinatag ng DA ang Bureau of Agriculture and Fisheries Product Standards sa pakikipag-ugnayan nito sa Department of Trade and Industry. Ito ang maghahabi at magpapatupad ng standard sa paggawa, pagpanatili, packaging, labeling at iba pang gawain. Magsasagawa ito ng pananaliksik ukol sa product standard upang maihanay ang mga produksyon ng bansa sa pandaigdigang antas ng product standard. Susuriin din nito ang mga planta, imbakan pati na ang mga pamilihan upang matiyak na lahat ng produktong tinda ay sariwa at pasado sa pamantayan.

T: Ano ang bahagi ng yamang pantao (human resources) sa ilalim ng AFMA?
S: Ang Commission on Higher Education ay bubuo ng National Agriculture and Fisheries Education System (NAFES) ang pinagsamang sistema ng agrikultura at pag-aaral pangisdaan na sumasaklaw ng tatlong antas sa pambayan o pampubliko at pribadong sektor. Kailangang iayon ang saklaw ng NAFES sa pangangailangan ng ekonomiya, pamayanan at lipunan. Isasaayos niya ang araling agrikultura at pangisdaan sa lahat ng antas ng edukasyon at pagbubutihin nito ang implementasyon ng programang akademya upang makamit ang kaunluran ng agrikultura at pangisdaan sa ating bansa.

T: Anong uri ng programa ang ipapatupad na susuporta sa sistema ng edukasyon?
S: Magkakaroon ng Agriculture and Fisheries Program para sa elementary, secondary at post secondary. Pangangasiwaan ito ng Kagawaran ng Edukasyon at Technical Skills Development Authority (TESDA). May network ng National Centers of Excellence ukol sa Agriculture anf Fisheries Education na binubuo ng kwalipikadong pambayan o pampublikon at pribadong pamantasan at unibersidad sa larangan ng agrikultura at pangisdaan. Magkakaroon din ng scholarship sa matatalinong kawani o para sa nais pang mag-aral.

Bubuo rin ng Agriculture and Fisheries Board na pamamahalaan ng Professional Regulation Commission upang lalong mapabuti ang propesyong agrikultura at pangisdaan.

T: Anu-anong ahensya ang may gampanin sa R & D?
S: Ang Council on Extension Research and Development in Agriculture (CERDAF) ang naatasan upang mapagbuti, suportahan at pagsamahin ang National Research and Development System in Agriculture and Fisheries (NaRDSAF). Ang BAR, ang siyang magiging secretariat o kalihim para sa R & D, samantala ang ATI ang secretariat para sa pagpapalawak na gawain. Isa sa mga tungkulin ng BAR kaugnay sa CERDAF ay bumuo ng R & D information system ukol sa agrikultura at pangisdaan na kaugnay ng NIN.

T: Paano pagbubutihin ng pamahalaan ang Research and Development (R & D) sa ating bansa?
S: Ang mga gawain sa agrikultura at pangisdaan ay gagampanan ng mga magsasaka at mangingisda at kanilang samahan gayundin ang mga nasa pagproproseso sa panig ng pambayan at pribadong sektor. Ang autonomiya at akademiyang kalayaan sa mga institusyon ay susundin upang makatiyak sa uri ng resulta o produkto. Mayroon ring promosyon o pagtaas batay sa kagalingan at nakamit o nagawa para sa mga manggagawa. Ang DA at ibang ahensya ay hinihimok na humingi ng tulong sa pagpupundo sa mga pribadong sektor para sa mga gawain sa R & D.

T: Anu-ano ang kailangan sa pagpapalaganap ng extension services?
S: Upang mabilis na mapalitan ang agrikultura mula sa likas na batayan, teknolohiyang batayan, bibigyan ang mga magsasaka ng mga pagsasanay ukol sa pagpapayo, demonstrasyon, impormasyon at komunikasyong suporta.

Magtatatag ng National Extension System for Agriculture and Fisheries na binubuo ng pambansang pamahalaan, lokal na pamunuan at pribadong sektor.

T: Ano ang gagampanan ng estado, kolehiyo at mga pamantasan sa pagbibigay ng pagpapalaganap o extension services?
S: Ang State Universities and Colleges (SUCs) ay inaasahang tutulong sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kakayahan sa pagpapalaganap ng mga nasa lokal na pamunuan sa pagbibigay sa kanila ng pagsasanay, tulong teknikal, pagpapalaganap at pananaliksik.

T: Magkakaroon ba ng maraming trabaho sa kanayunan sa pagpapatupad ng AFMA?
S: Sa isang modernong ekonomiya kakaunti ang nagtatrabaho sa sakahan. Hindi sa AFMA dahil ito ay para sa mga trabaho sa kanayunan na hindi pambukid. Sa pamamagitan ng Basic Needs Program lilikha ito ng trabaho na ginagabayan ng mga prinsipyong ito:

  • Walang ibibigay na subsidiya sa pautang, bagkus ang normal na alituntunin ng bangko ay gagamitin na walang epektong masama sa umiiral na sistema ng pautang
  • Libreng pagsasanay, impormasyon, pagpapayong serbisyo ng pamahalaan
  • Kusang partisipasyon ng pribadong sektor.

T: Ano ang bumubuo ng Basic Needs Program?
S: Ito ay programang batay sa pamayanan na nakatuon sa kabahayan sa kanayunan at makakatulong sa mga tao sa nayon na masanay sa mga nagbabagong kundisyon o kalagayan sa ekonomiya at gawain. Ito ay ukol sa edukasyon, industriyalisasyon sa kanayunan at pagtatayo ng mga bagong industriya, pamumuhunan, kalusugan at nutrisyon, mga nangungunang imprastraktura at seguridad sa pagkain.

Upang maipatupad ito sa buong bansa gagayahin ito ng lokal na pamunuan sa tulong ng mga ahensya at ng pamahalaan at pribadong sektor.

T: Anong mga insentibo o pampasigla ang ibibigay sa mga mamumuhunan sa agrikulturang kalakalan?
S: Ang mga negosyanteng nagtatag ng negosyong may kaugnayan sa agrikultura ay libre sa taripa at mga alituntunin sa pag-importa ng lahat na uri ng pangangailangan sa agrikultura at pangisdaan, kagamitan at makinarya.

T: Sinu-sino ang magpapatupad nitong batas?
S: Ang Kagawaran ng Pagsasaka ang magpapatupad nito kasama ang ilan sa mga ahensya at sa ilalim nito. Katulong ang NAF Council sa pagmonitor at koordinasyon.

Ang NAF Council ang konsultahan para sa epektibong pagpapatupad ng ibang ahensya sa ilalim ng AFMA. Ang mga kasapi ng NAF Council ay ang mga sumusunod:

  • Commission on Higher Education
  • Department of Agrarian Reform
  • Department of Budget and Management
  • Department of Education
  • Department of Environment and Natural Resources
  • Department of Finance
  • Department of Interior and Local Government
  • Department of Labor and Employment
  • Department of Public Works and Highways
  • Department of Science and Technology
  • Department of Trade and Industry
  • Department of Transportation and Communication
  • National Economic and Development Authority
  • Technical Education and Skills Development Authority
  • Chairpersons of the national committees of NAFC
  • Representatives of the Fisheries and Aquatic Resource Management Council
  • Representatives of farmers organizations, women, fisherfolk and concerned people's organizations, appointed by the Secretary for one year, with option to reappoint

T: Ano ang bahagi ng Congressional Oversight Committee on Agriculture and Fisheries Modernization?
S: Ang Komiteng ito ay binubuo ng chairmen ng Committee on Agriculture ng dalawang kapulungan ng kongreso, kasama ng anim na miyembro ng kapulungang kongreso at Senado. Imomonitor nito ang pagpapatupad ng mga rekomendasyon, programa, proyekto, at mga gawain ng Congressional Commission on Agricultural Modernization. Hihingi ito ng tulong kung kailangan sa ibang ahensya upang maipatupad ang mga plano nito. Magsasagawa din ito ng mga pagdinig, tatanggap ng testimonya at mga ulat kaugnay sa mga proseso ng pagsasamoderno ng agrikultura at pangisdaan.


 

AFMA COMPONENTS

Irrigation

Postharvest Facilities

Other Infrastructure (FMRs)

Other Infrastructure (excluding FMRs)

Research & Development

Farmers-Fisherfolk Marketing Assistance System

Agro-Industry Modernization Credit and Financing Program (AMCFP)

Capability Building of Farmers & Fisherfolk Organizations & LGUs

NAFES; and Basic Needs Program Implementation

Rural Non-Farm Employment Training; and Salary Supplement of Extension Workers Under the LGUs

National Information Network

SAFDZ

Product Standardization and Consumer Safety

 
Home | About AFMA | IRR Outputs | Site Links | Contact Us
Agricultural and Fisheries Modernization Act © 2004